
Isang nakadudurog sa puso na episode ng Pulang Araw ang napanood kagabi, October 10, tampok ang isa sa pinakamabigat na eksena ng Kapuso actress na si Sanya Lopez bilang si Teresita Borromeo.
Sa episode 54 ng nasabing serye, dinakip na ng mga mananakop na Hapones si Teresita upang dalhin sa comfort women house na ipinag-utos ni Col. Yuta Saitoh (Dennis Trillo).
Dito, nasaksihan ng karakter ni Sanya ang masalimuot na sinasapit ng mga kapwa niya Pilipina sa kamay ng mga mapang-abusong mga Hapones.
Marami naman ang bumilib sa naging acting performance ni Sanya sa kanyang mga eksena sa naturang episode.
Sa social media, bumuhos ang papuri sa pang-“Best Actress” na aktingan ng aktres.
“Hooray for Sanya Lopez as best actress tonight in Pulang Araw,” post ng isang netizen.
“Napakagaling mo, Sanya! Superb acting! Bravo!” mensahe pa ng isang fan.
“One of the best actress in her generation! Sanya Lopez (clapping emoji). Hindi madali 'yang role niya as a comfort woman! Teresita is yours indeed!” papuri pa ng isang fan.
Nauna nang sinabi noon ni Sanya sa isang interview na matinding paghahanda ang kanyang ginawa para sa kaniyang karakter na si Teresita - isang Bodabil star na magiging isang comfort woman.
Kuwento niya sa GMANetwork.com, “Ako, pinakagusto ko talaga sa character ko dito, siya 'yung pinakanagsasakripisyo. Pakiramdam ko siya 'yung ang daming sakripisyo pagdating sa pagmamahal sa pamilya, sa kapatid, pagmamahal sa nobyo, pagmamahal pagdating niya sa talento niya, pagmamahal sa ama.
“Ang dami niyang sinasakripisyo dito. Kaya 'yon 'yung isa mga nagustuhan ko, parang siya 'yung laging willing na, 'Ako na lang. Okay lang basta okay kayo.' Ganon.”
Ayon pa sa aktres, masaya siya na maging representasyon ng katapangan ng mga kababaihan sa serye.
Aniya, “'Yon 'yung pinakanae-excite ako kasi 'yon 'yung pinaka isa pang challenging talaga sa akin, paano ko maipaparamdam 'yung character ko, 'yung mga pinagdaanan ng mga comfort women. Hindi dahil gusto ko iparamdam sa inyo, kung hindi para mas maintindihan natin sila, mas maunawaan natin sila at mas irespeto natin 'yung mga kababaihan.
“Isa pa sa mga nagustuhan ko dito, 'yung binabasa ko pa lang 'yung story niya, 'yung gusto kong maintindihan ng mga generation natin ngayon kung gaano kahalaga 'yung pagrespeto natin sa kababaihan, hindi lang sa kababaihan kung 'di sa lahat.”
Sa mga susunod na episode, mas magiging mabigat pa ang mga eksena ni Sanya bilang si Teresita dahil magsisimula na ang kalbaryo niya bilang isang comfort woman.
Dapat ding abangan kung paano pa makakaligtas sa pagsubok at matinding giyera ang iba pang mga karakter sa serye gaya nina Adelina, Hiroshi, at Eduardo na binibigyang buhay nina Barbie Forteza, David Licauco, at Alden Richards.
Subaybayan ang Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 ng gabi sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: Pulang Araw: Ang mga larawan bago ang giyera