
May pasilip si Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza sa bagong bihis ng kaniyang karakter na si Adelina sa hit family drama ng GMA na Pulang Araw.
Sa Instagram kamakailan, nag-post si Barbie ng kaniyang mga larawan na nakasuot ng panlalaki - isang polo, vest, at maluwag na pantalon.
“Disguise in love with you pare. Low-key loving this '40s guy fit tho,” caption ni Barbie sa kaniyang post.
Makikita sa mga larawan na ibinahagi ni Barbie na kinunan ito sa taping ng Pulang Araw sa Intramuros, Manila.
Matatandaan na sa inilabas na trailer ng serye, magkakaroon ng mas malaking pagsubok sa buhay si Adelina dahil sa pagkawala ng kaniyang kapatid na si Teresita (Sanya Lopez), pagkawalay niya kay Hiroshi (David Licauco), at ang pagsanib ng kaniyang kapatid na si Eduardo (Alden Richards) sa mga Guerilla upang labanan ang mga mananakop na Hapones.
Sa naturang teaser, mapipilitan si Barbie na maging espiya ng mga Pilipino upang malaman ang mga masasamang plano ng Japanese forces kasama si Col. Yuta Saitoh (Dennis Trillo).
Samantala, wagi naman bilang National Winner sa Best Promo/Trailer category ang Pulang Araw sa prestihiyosong Asian Academy Creative Awards 2024. Bukod dito, nominado rin ang nasabing hit family drama ng GMA bilang Best Soap/Telenovela sa Venice TV Awards 2024.
Patuloy na subaybayan ang Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: Pulang Araw: Ang mga unang larawan