TV

Benjamin Alves, sumulat ng sariling script para sa kanyang karakter sa 'Artikulo 247'

By Jimboy Napoles

Masaya na humarap sa press ang Kapuso actor na si Benjamin Alves ngayong Linggo (March 13), upang i-promote ang bagong pinagbibidahang series na Artikulo 247 na napapanood ngayon sa GMA Afternoon Prime.

Excited si Benjamin dahil makikilala na ng mga manonood ang kanyang karakter na si Noah Borromeo sa ikalawang linggo ng nasabing series.

Ayon pa sa aktor, nakaka-relate siya sa kanyang karakter na si Noah dahil sa mga pinagdaanan niya sa buhay noon kaya ang ilan sa mga monologue o linya niya sa series ay siya mismo ang sumulat.

Aniya, "Marami siyang monologue dito si Noah na with the blessing of the director and writers, I was given the permission to write it myself or change it."

Nagpapasalamat din si Benjamin dahil nabigyan siya ng oras upang makapagsulat habang kinukunan pa ang ibang mga eksena sa taping.

Kuwento niya, "So blessed naman ako because that time that we're shooting certain scenes, parang dalawang speech yung kay Mark [Herras] and then dalawang speech din 'yung kay Rhian [Ramos]. Marami ng enough tapings [time] para masulat siya.

"So when I was trying to rewrite the monologues, I got into the character and wrote the monologue as if how Noah would say it."

Dagdag pa niya, "Siguro dahil frustrated writer din ako kaya ko prinisinta 'yung sarili ko sa ganun."

Si Noah ay isang architect na nawalan ng direksyon ang buhay dahil sa pagkamatay ng kanyang kasintahan. Isa siya sa may-ari ng isang beach resort na pinapatakbo ng kanyang ina na si Sarah Borromeo (Carla Martinez) at kanyang kapatid na si Elijah Borromeo (Mark Herras).

Ang kanyang madilim na buhay ay magkakaroon ng kulay sa pagdating ni Jane Ortega (Rhian Ramos).

Pahayag pa ng aktor, mas titindi ang tensyon sa mga susunod na episode ng Artikulo 247 na dapat abangan ng lahat ng viewers.

"This week we're gonna see the divide. Ito kasi 'yung pababasehan ng next [episodes] until the very end. Itong mangyayari this week they will lay the grounds on the conflict with Rhian Ramos [as Jane Ortega] and Kris Bernal [as Klaire Almazan] at kung paano rin papasok ang conflict sa mga buhay namin [ng ibang characters]," ani Benjamin.

Matatandaan na umani ng mataas na ratings ang pilot week ng nasabing series at consistent na pinag-uusapan online.

Patuloy na tutukan ang mas umiinit na mga tagpo sa Artikulo 247, tuwing 4:15 ng hapon sa GMA Afternoon Prime.

Samantala, silipin naman ang ilang sexy aesthetic photos ni Benjamin sa gallery na ito.