TV

Rehashtags, wagi ng PhP200k jackpot prize sa 'Family Feud'

By Jimboy Napoles

Doble ang naging suspense at saya sa Halloween episode ng trending game show ng GMA na Family Feud kahapon, Lunes, October 31, dahil sa pagkapanalo ng team Rehashtags kung saan naiuwi nila ang PhP200,000 jackpot prize laban sa team Haus of Gagita.

Binubuo ang team Rehashtags ng mga aktor at dancer na sina Luke Conde, Zeus Collins, Ryle Santiago, at Tom Doromal.

Sa nasabing episode, nakalaban naman nila ang sikat na drag queens mula sa Haus of Gagita na sina Lady Gagita, Cardi, Moonlight, at Riri.

Leading ang team nina Lady Gagita sa sa unang round ng game sa score na 31 points pero nakabawi ang team Rehashtags sa second round sa score na 72 points pero muling nakapuntos ang team Haus of Gagita sa third round sa score na 179 points.

Sa fourth round kung saan triple na ang magiging score sa tamang sagot, na-steal ng team Rehashtags ang game nang mahulaan nila ang lahat ng sagot sa apat na tanong sa survey questions. Sa round na ito ay nakakuha sila ng perfect score na 300 points at ang kanilang final score ay umabot sa 372 points.

Dahil dito, ang Rehastags ang nagtuloy sa last round na fast money round kasama sina Zeus at Tom. Sa round na ito, nakabuo ang dalawa ng 223 points na lagpas pa sa kinakailangang score upang makuha ang jackpot prize na PhP200,000.

Ito ang unang beses sa Family Feud na nanalo ang isang team sa last round kahit na zero ang score sa unang survey question.

Samantala, makakatanggap naman ng PhP20,000 ang Jesus the Anointed One Church bilang napiling charity ng team Rehashtags. Habang nag-uwi pa rin ng PhP50,000 ang team Haus of Gagita.

Tumutok sa Family Feud kasama si Dingdong Dantes, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 ng hapon sa GMA . Maaari rin itong mapanood via livestream sa Family Feud YouTube channel at Family Feud show page sa GMANetwork.com.

KILALANIN ANG TEAM CAPTAIN NG REHASHTAGS NA SI LUKE CODE SA GALLERY NA ITO: