TV

Allen Ansay at Sofia Pablo, naiyak nang alalahanin kung paano nabuo ang Team Jolly

By Jimboy Napoles

Mapapanood na sa kanilang first-ever primetime series na Luv is: Caught in His Arms ang Sparkle sweethearts o kilala rin bilang Team Jolly na sina Sofia Pablo at Allen Ansay simula sa Lunes, January 16, sa GMA Telebabad.

Matatandaan na nagsimula lamang sa TikTok videos at YouTube vlogs ang tambalan ng dalawa bago sila madiskubre bilang isang love team. Si Allen noon ay galing sa reality talent search show na StarStruck habang si Sofia naman ay parte ng dating hit Afternoon Prime series na Prima Donnas.

Dahil sa kanilang nakakakilig na team up, parami na nang parami ang sumusuporta sa kanilang tambala. Nabigyan na rin sila ng oportunidad na maging magkasama sa ilan pang mga programa sa GMA hanggang sa mapili na rin sila na bumida sa isang primetime show -- ang Luv is: Caught in His Arms.

Sa media conference ng naturang series na ginanap nitong Miyerkules, January 11, hindi naiwasan na maging emosyonal nina Sofia at Allen nang balikan nila kung paano sila nagsimula.

“Happy ako kasi siya 'yung naging partner ko and hindi ko ma-imagine 'yung sarili ko na na nandito sa sitwasyon na 'to o where I am right now kung hindi siya 'yung naging ka-partner ko,” ani Sofia kay Allen.

“Ako naman, kung ano mang meron po kami ngayon, na kami lang ang nakakaalam, ayaw ko po itong mawala. Ayaw ko siyang mawala at kung ano mang mangyari ipaglalaban ko 'yun kasi ang sarap po sa feeling na 'yung kasama mo lang dati na nangangarap lang kayong maging love team…Natutuwa lang po kasi ako kasi pandemic talaga hindi naman po kami nila-love team talaga kung baga pinush namin nag-TikTok kami, gumawa kami ng vlogs… masaya lang ako kasi binibigyan kami ng [opportunity],” umiiyak na sinabi ni Allen.

Dahil napuno na ng emosyon si Allen, agad na ipinagpatuloy ni Sofia ang pagkukuwento.

“Bakit ka nagpapaiyak, sabi ko hindi ako iiyak, e. Hindi kasi 'yun nga po itutuloy ko po 'yung sinabi niya kasi umiiyak na siya, hindi na siya nakakapagsalita kapag umiiyak na siya,” ani Sofia.

Paliwanag ng teen actress, masaya sila ni Allen dahil sa narating ng kanilang tambalan at unti-unti nang nakikilala ang binuo nilang love team.

Aniya, “Hindi po kasi kami 'yung type ng love team na network 'yung nag-decide na sige love team kayo. Kami po yung type na kami 'yung bumuo, kami 'yung nagsipag, nag-TikTok kami kasi gusto talaga namin na maging love team kasi nae-enjoy namin 'yung company ng isa't isa. And alam namin na nandoon kami sa edad na masaya magkaroon ng love team kasi ito 'yung panahon na maraming kinikilig kahit mga mommies kinikilig sa mga bata.”

Patuloy pa ni Sofia, “Sorry po kung umiiyak kami siguro po natutuwa lang kami kasi 'yung pinangarap namin before na hindi po alam kung magkakatotoo is ito na siya."

Samantala, kasama nila sa naturang event ang ilan pa sa cast na miyembro ng Sparkada boys at tinaguriang next generation leading men na sina Michael Sager, Vince Maristela, Raheel Bhyria at Sean Lucas.

Present din ang ilan pa sa cast na Sparkada girls na sina Cheska Fausto, Caitlyn Stave, Tanya Ramos, at Kirsten Gonzales.

Ang nasabing series ay ang first collaboration project ng GMA at ng Wattpad Webtoon Studios na TV adaptation ng hit Wattpad novel na may parehong titulo na Caught in His Arms.

Panoorin ang Luv is: Caught in His Arms goosebumps trailer DITO:

SILIPIN ANG BEHIND-THE-SCENES PHOTOS NG LUV IS: CAUGHT IN HIS ARMS, DITO: