TV

Jak Roberto, naka-relate sa bashing na natanggap ni DJ Loonyo

By Marah Ruiz

Si Kapuso actor Jak Roberto ang bibida sa brand new episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.

Tampok sa fresh episode na ito ang buhay ng viral dancer at choreographer na si DJ Loonyo o Rhemuel Lunio sa tunay na buhay.

Aminado si Jak na ikinagulat niyang siya ang napili para sa role kahit hindi siya ganoon kabihasa sa sayawan.

Ibinuhos na lang daw niya lahat sa pag-arte para mabigyang-buhay ang kuwento ni DJ Loonyo.

"Iba siya sa pagdating sa sayaw. Talagang halimaw. Sabi ko, doon ako na-pressure na baka hindi ko ma-portray nang maayos kasi kilala naman natin siya bilang magaling sumayaw 'di ba? Sabi ko, babawi na lang talaga ko sa acting," bahagi ni Jak sa isang online interview kasama ang ilang piling miyembro ng media, kasama ang GMANetwork.com.

Sa pagganap daw niya dito, naka-relate din daw si Jak sa ilang mga karanasan ng sikat na online sensation.

"Naka-relate po ako doon sa bashing kasi hindi talaga maiiwasan 'yun eh pagka public figure ka. May magawa kang maganda at hindi maganda, mayroon masasabi sa iyo 'yung tao," pahayag ng aktor.

Pinipili raw ni Jak na hindi pansinin ang mga komento kapag nakakaranas siya ng bashing.

"Para sa akin mas maganda kung may mga ganoong, bagay hindi ko na lang binabasa 'yung comments. Hinahayaan ko na lang lumipas. Hindi ko na po 'yun pinapansin para i-overthink or patulan," aniya.

Handa naman daw siyang tumanggap ng mga komento, basta't nakakatulong ito para i-improve ang kanyang sarili.

"Pero 'pag tingin ko naman po constructive criticism, iniisip ko rin naman baka nga naman tama siya. May mga times na mas hindi ko po binabasa 'yung ibang tingin ko hindi naman po makakatulong," dagdag pa ni Jak.

Please embed: jak mpk (Alt text: Jak Roberto sa DJ Loonyo on #MPK)

Abangan si Jak bilang DJ Loonyo sa brand new episode na pinamagatang "Dance King ng Quarantine: The DJ Loonyo Story," ngayong Sabado, July 18, 8:00 pm sa #MPK.