TV

Jak Roberto, aminadong natakot ding bumalik sa taping

By Marah Ruiz

Sumabak na muli sa taping si Kapuso actor Jak Roberto nang siya ang mapiling bida sa life story ng viral dancer at choreographer na si DJ Loonyo sa bagong episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.

Ito ang unang taping niya sa quarantine kaya aminado si Jak na natakot siyang bumalik ng trabaho lalo na at parami pa rin nang parami ang kaso ng COVID-19.

Inilatag naman daw ng production team sa kanya ang 'new normal' protocols na magtitiyak na ligtas siya sa taping.

"Sinabi naman po sa 'min 'yung mga gagawin na idi-disinfect muna 'yung lugar, ira-rapid test po lahat kasama tapos limited lang din po [ang nasa set]. Hindi rin ganoon katagal 'yung work. 'Yung pag-work po namin parang 12 hours lang po yata 'yung sinabi," kuwento ni Jak sa isang online interview kasama ang piling miyembro ng media, kabilang ang GMANetwork.com.

Higit sa lahat, tingin din daw ni Jak na dapat nang masanay sa 'new normal.'

"Sabi ko sige po kasi kailangan na rin po nating mag-adust at saka i-adopt 'yung 'new normal.' Noong sinabi po sa 'kin na ganoon, halong excitement at kaba," pag-alala niya.

Isa rin daw sa challenge dito ang limitadong tao sa set kaya sariling sikap daw halos lahat ng paghahanda niya para dito.

"Kasi alam namin na wala kaming PA (personal assistant) eh. On our own kami. Kami 'yung magpe-prepare noong damit. Wala din magme-make up so oil control lang. Binigyan ako oil control [film] ni Sanya kasi 'yun daw 'yung ginawa niya sa 'Maynila.' Mas maganda sa kotse na lang mag-stay. Overnight inisip ko na 'yung mga gagawin ko pagdating ko sa set," ani Jak.

Alamin ang iba pang karanasan ni Jak sa pagsabak niya sa taping sa ilalim ng 'new normal' sa video sa itaas.

Samantala, balikan ang ilang eksena mula sa natataning pagganap ni Jak bilang DJ Loonyo sa nakaraang episode ng #MPK na pinamagatang "Dance King ng Quarantine."