TV

Jak Roberto, doble effort sa 'new normal'

By Marah Ruiz

Nanibago daw si Kapuso actor Jak Roberto sa bagong mga patakaran sa taping sa ilalim ng tinatawag na "new normal."

Sumabak na kasi muli si Jak sa trabaho nang bumida sa unang bagong episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman ngayong quarantine.

Ito rin ang unang taping ni Jak simula nang magkaroon ng lockdown.

"Ang bilis lang. Nakakapanibago nga kasi kung before umaabot kami ng halos madaling araw na, may bukang liwayway na. This time, mga ala una tapos na kami. May mga pinolish na lang na mga eksena," kuwento ni Jak sa isang online interview kasama ang piling miyembro ng media, kasama ang GMANetwork.com.

Isang linggo din daw ang preparasyon bago sila magsimula sa taping.

"Binigay sa akin 'yung story ni DJ Loonyo one week before kami mag-taping. Inalam 'yung lugar na walang COVID positive. Tinest kami lahat para sa taping, nag-rapid testing kami.

"Binigay din 'yung script, nagkaroon ng konting revision. Nag-casting pa ng iba pang characters. Sakto siya para sa isang linggo na preparasyon. Tapos nung mismong araaw na yun, okay naman," aniya.

Dahil sa mga pagbabagong ito, mas kailangan daw ang tulungan at mas matinding pagsisikap.

"Kaya naman po eh. Kaya lang kumbaga 'yung effort before, kailang i-dobol po this time," pahayag ni Jak.

Bukod dito, ibinahagi din niya ang mga pagbabagong nakita niya sa set.

"Hindi na po masyadong ina-allow 'yung mga PA (personal assistant) at 'yung mga driver. As in pupunta ka on your own sa set. Ikaw magda-drive. Ikaw magdadala noong gamit mo," pag-alala niya.

"Maya't maya may nag-a-alcohol sa kamay. May tao talaga na nakatoka spray-an ka lang nang spray-an sa kamay ng alcohol. Lahat ng hahawakan mo idi-disinfect," dagdag pa niya.

Aminado si Jak noon na kinabahan siyang bumalik sa trabaho lalo na at pataas pa rin nang pataas ang mga kaso ng COVID-19.

Pero mas pinili daw ni Jak na mag-adapt na sa "new normal."

Dagdag pa dito, masaya din siya sa tiwalang ibinigay sa kanya para bumida sa isang bagong episode ng #MPK.