TV

RJ Nuevas on possibility of another guest from 'Widows' Web' to 'Royal Blood': 'Mayroon pang actually na isa'

By Aimee Anoc

Tatlong karakter na mula sa hit suspenserye na Widows' Web ang muling napanood sa inaabangan ngayong murder mystery series na Royal Blood.

Bukod kay Arthur Solinap na muling napapanood ngayon bilang Emil, ang karakter na pinagbidahan niya sa Widows' Web, nagkaroon na rin ng guest appearances sa Royal Blood sina Vaness del Moral bilang Hillary Suarez at Ashley Ortega bilang Jackie Sagrado.

Ayon sa manunulat at concept creator ng show na si RJ Nuevas, posibleng mayroon pang isang mag-guest na karakter mula Widows' Web sa Royal Blood.

"Mayroon pang actually na isa. Winowork-out pa namin kaya lang ewan ko kung mawo-workout namin kasi mukhang mayroon siyang show so iniisip namin kung paano siya maipapasok sa show. Isa o dalawang eksena lang naman 'yun pero ang ganda-ganda ng eksenang 'yun kung matuloy, isa 'yun sa aabangan nila," sabi niya sa eksklusibong interview ng GMANetwork.com.

Ipinaliwanag rin ng Kapuso writer ang koneksyon ng kuwento ng Royal Blood at Widows' Web.

"Nauna lang 'yung kuwento ng Widows' Web pero nasa isang mundo sila. Kumbaga, nu'ng nangyayari 'yung kuwento ng Widows' Web, itong mga Royales nag-e-exist na rin at nangyayari na rin 'yung kuwento nila, parang ganu'n. Inuna lang namin 'yung kuwento ng Widows' Web."

Samantala, bagama't alam na ni RJ kung sino ang pumatay kay Gustavo (Tirso Cruz III), aniya, nananatiling sikreto at wala pang nakaaalam nito sa cast ng Royal Blood.

"Tuwang-tuwa ako sa Royalistas ang ganda ng naisip na pangalan. Hindi ko alam kung may maiibigay akong clue kasi baka masira 'yung enjoyment din nila kapag nagkaroon ng hint baka masayang e' sinusubaybayan na nila.

"Ang dapat nilang gawin is panoorin gabi-gabi tapos sundan 'yung mga clue na binibigay namin kasi nagbibigay kami ng mga clues at saka ng mga hints e'. Kapag sinundan nila 'yun, baka kapag inilista nila makuha nila kung sino ang killer," pagbabahagi ng manunulat.

Patuloy na subaybayan ang Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.

Mapapanood din ang Royal Blood sa Pinoy Hits, I Heart Movies, GTV (10:50 p.m.), at naka-livestream din sa Kapuso Stream.

TINGNAN ANG ILANG BEHIND-THE-SCENES PHOTOS NG CAST NG ROYAL BLOOD SA GALLERY NA ITO: