Nasawi ang isang babaeng nursing student matapos siyang sakalin ng kaniyang pinsan na hindi niya pinautang ng P5,000 sa San Antonio, Nueva Ecija.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na nakitang patay ang babae sa kaniyang bahay sa Barangay Santo Cristo, matapos itong itawag na insidente ng suicide sa 911.
Gayunman, nagduda ang pulisya na nagpakamatay ang babae matapos matuklasang nawawala ang isa sa dalawa niyang cellphone, at nahanap ito sa kaniyang lalaking pinsan.
Dinakip kalaunan ng mga awtoridad ang pinsan, na umamin sa pagpatay sa biktima.
Sinabi ng suspek na nagpunta siya sa bahay ng biktima para manghiram ng P5,000. Ngunit hindi siya nito pinahiram kaya sila nagtalo, hanggang sa mapatay niya ang biktima.
Nagawa umano ang suspek dahil sa kalasingan at matinding galit.
Sinampahan na siya ng reklamong murder. —Jamil Santos/ VAL GMA News
