Inihayag ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad nitong Martes na posibleng magkaroon ng hanggang P8 kada litro na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

“In the past three trading days, ang laki po ng binaba; it’s almost $17 'yung binaba ng ating diesel, for example. So if ngayong Monday pa lang, maiestimate natin po iyan, is around P8 per liter 'yung rollback if this will continue until Friday,” ayon kay Abad.

Iniuugnay ni Abad ang posibleng rollback sa ginawang anunsyo ng Saudi Arabia na magpapatuloy itong magkarga ng 14 milyong bariles ng krudo, na nagpapahiwatig na magpapatuloy ang suplay nito sa merkado.

Tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado matapos salakayin ng mga rebeldeng Houthi ang Saudi Arabia. Ang mga nakaraang pagtaas din ng presyo ng langis ay dulot ng kaguluhan sa Red Sea.

Sa kabila ng inaasahang rollback sa presyo ng ilang produktong petrolyo, sinabi ni Abad na inaasahang tataas ang presyo ng LPG dahil bumili ang mga supplier ng kanilang suplay noong mataas pa ang presyo nito.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ang pabago-bagong presyo sa merkado ay dulot ng sigalot sa Middle East, na malamang na hindi agad matatapos dahil sa mga naganap na pag-atake.

Sinabi rin niyang mahirap hulaan ang magiging takbo ng mga pangyayari, lalo na't kakaunti ang naging progreso sa mga ginagawang usapang pangkapayapaan.

Sa kabila nito, sinabi ni Garin na sapat ang fuel supplies ng bansa nang hanggang 53 araw.

Mas mataas ito sa 15 hanggang 30 araw na suplay na kinakailangan sa ilalim ng polisiya ng DOE. Para sa diesel at gasolina, may reserbang suplay na katumbas ng 56 hanggang 57 araw, habang ang suplay ng liquefied petroleum gas (LPG) ay maaaring tumagal nang 36 araw.

“This is a very comfortable number of days, and we hope that we continue to do so,” ani Garin. —FRJ GMA News