Pagkaraan ng apat na taon, nadakip na ng mga awtoridad ang apat sa pitong suspek sa nanghalay umano sa isang dalagita na may "special need" sa Tanay, Rizal noong 2013. Pero katwiran ng dalawa sa mga suspek, hindi nila pinilit at ginusto umano ng biktima ang nangyari.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing August 2013 nang halinhinan umanong pagsamantalahan ng pitong lalaki ang 13-anyos na biktima sa isang liblib na barangay sa Tanay, Rizal.
Ayon sa pamilya ng biktima, pumutok ang balita sa kanilang lugar tungkol sa pang-aabuso dahil mismong mga suspek umano nagkukwento sa ginawa nilang krimen.
Pero hindi raw kaagad nalaman ng pamilya, lalo na ang kasama nitong lola, na ang dalagita na pala ang nabiktima ng suspek dahil hindi nagsusumbong ang apo.
Nagsimula lang magduda ang lola nang mapansin niya ang kakaibang ikinikilos ng apo kaya kinausap niya ang dalagita at nalaman na ang sinapit ng biktima.
Kasunod nito ay nagpasya na silang magsumbong sa pulisya at isa-isang hinanap ang mga suspek.
Sumuko sa mga awtoridad ang isa sa mga suspek habang nadakip naman ang dalawang suspek na menor de edad na dinala sa pangangalaga ng social welfare office.
Habang nagtago naman ang apat pang suspek hanggang sa nadakip kamakailan sa bisa ng arrest warrant na isinagawa ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng Quezon City.
Inamin ng dalawa sa mga suspek ang nangyari sa kanila ng biktima. Pero kahit na menor de edad at "special child" ang dalagita, iginiit nila na hindi nila ito pinilit.
Katunayan, ang biktima pa raw ang tumawag sa kanila.
Samantala, napauwi naman sa bansa ang ina ng biktima na isang overseas worker dahil sa nangyari sa anak.
Masaya ang ginang sa itinatakbo ng kaso ng anak pero nais pa rin nilang maituloy ang "counselling" sa dalagita dahil sa hindi pa nagbabalik ang dati nitong pag-uugali mula nang lapastanganin.
"Nakikita ko po talaga sa kaniya na hindi po siya yung dating anak ko," anang ginang. "Yung attitude niya noon na batang malambing, ngayon madali siya magalit." -- FRJ, GMA News