Pinatunayan nina Buboy Villar at kaniyang ex-partner na si Angillyn Gorens na puwedeng maging magkaibigan ang dating magkarelasyon.

Nitong nakaraang Marso, muling nagkasama sina Buboy at Angillyn, matapos nilang kumpirmahin ang kanilang paghihiwalay noong 2020. Kasunod nito ay nagtungo na si Angillyn sa Amerika.

BASAHIN: Buboy Villar, inihayag ang dahilan ng hiwalayan nila ni Angillyn Gorens

Kasama nina Buboy at Angillyn sa kanilang bonding ang dalawa nilang dalawang anak, at ilang kaibigan.

Kinantahan pa ni Buboy ng sweet songs si Angillyn.

Ayon kay Buboy, bahagi ng kanilang kasunduan ni Angillyn ang mag-get-together.

“Bilang nanay siya ng mga anak ko, tatay ako ng mga anak namin, so napagkasunduan namin na no hate to each other. Dapat love lang,” sabi ng Kapuso actor.

“Lalo na sa panahon ngayon ‘no? Ang init-init na nga ng panahon, bibigyan pa ba natin ng negative vibes? Wala lang po ‘yun, ano po ‘yun, parang bonding with the kids lang talaga siya,” dagdag niya.

Dahil nakabase na sa Amerika si Angillyn, sinabi ni Buboy na bihira nitong makita ang kanilang mga anak na nasa kaniyang pangangalaga.

“So sinulit lang namin ‘yung time talaga with the kids. Kasi siyempre hindi naman niya nakikita talaga ‘yung mga anak namin kasi naka-base siya sa US. Talagang ‘yung mga ganoong moment, ‘di na dapat pinagdadamot pa,” pahayag ni Buboy.

Kaugnay sa naging reaksyon ng fans na kinilig sa pagkikita nilang muli ni Angillyn, sabi ni Buboy, “Well, masaya talagang kiligin. Masaya talaga ang feeling ng in love talaga pero salamat sa pag-intindi.”

Matapos ang ilang taon ng pagiging magkasintahan, naging engaged noong 2016 sina Buboy at Angillyn, at may dalawa silang anak na sina Karollyn at George Michael.

Taong 2020 nang kumpirmahin nila na hiwalay na sila pero nananatili silang magkaibigan.

Kasama pa rin si Buboy sa Season 2 ng "Running Man Philippines,” na mapapanood na simula sa May 11 sa ganap na 7:15 p.m. sa GMA 7.--mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ, GMA Integrated News