Dalawang grupo ng mga kalalahikan ang nasangkot sa rambulan sa Malate, Maynila nitong Miyerkoles na nag-ugat umano sa isang nawawalang cellphone.

 

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras," sinabing apat na Africano at apat ding Pilipino ang nagpalitan ng mga suntok sa kalye ng Pablo Ocampo.

Nagsimula raw ang gulo dahil sa nawawalang cellphone na inakalang ninakaw ng isa sa mga dayuhan. Lasing din umano ang mga lalaking sangkot sa rambol.

Hindi nagawang pigilan ng mga nagdaraan ang suntukan ng dalawang kampo. Tumigil lamang sila nang dumating na ang mga baranggay tanod.

"Dahil hindi nga namin naintindihan 'yung mga salita, di nga namin tiyak kung sino magkakampi, talagang lahat sila indibidwal naming paghiwa-hiwalayin, dun na lang namin nalaman na dalawang grupo sila. Parehas nakainom ng alak," kwento ni Allee Eresmas, admin assistant ng Barangay 719, Zone 78.

Hindi na umabot pa sa pulisya ang insidente dahil naghiwa-hiwalay din agad ang mga kalalakihan.

Paalala naman ng barangay, maghinay-hinay sa pag-inom upang hindi ito maging sanhi ng kaguluhan.

"Kung hindi mapipigilan 'yung paginom, gawan na lang ng paraan nila na hindi makaapekto doon sa pagdedesisyon nila," sabi ni Eresmas. -- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News