Kinuyog ang isang pulis matapos magpaputok ng baril sa piyesta sa Sampaloc, Maynila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ang pulis na si Police Officer 1 Louiejo Badajos na sinasabing naka-inom daw nang mangyari ang insidente.

“Itinawag po ng residente sa paligid kasi nagpaputok po si Louiejo ng baril. Pagdating namin dun, on the act naman na nakita naming hawak niya yung baril,” sabi ng Lacson Police Community Precinct commander Senior Inspector Edwin Fugan.

Hindi na raw nakapagtimpi ang mga residente kaya nila kinuyog si Badajos.

“Dahil sa takot tsaka galit po ng mga taumbayan doon na nagkakasiyahan. Natakot sila kasi yung mga bata doon naglalaro pati yung mga barangay doon sila mismo ang tumawag sa amin,” ani Fugan.

Dalawang taon pa lang sa serbisyo ang pulis Makati na si Badajos at service firearm pa raw niya ang 9 mm na pinaputok niya.

Nakuha pa nga raw ang basyo ng bala sa lugar.

“Konting kasiyahan lang naman po yun. Yun po kaya nagpaputok lang,” ani Badajos.

Wala namang nasaktan sa insidente.

Inihahanda na ang kasong illegal discharge of firearms laban sa pulis na maaaring matanggal sa tungkulin dahil sa kaniyang ginawa. Pansamantala muna siyang ikukulong sa Manila Police District Custodial Facility. —Joviland Rita/KBK, GMA News