Isang babae ang namatay nang mabundol ng van habang siya ay tumatawid sa Kamias Road sa Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Naisugod pa ang biktima sa East Avenue Medical Center pero idineklarang dead on arrival, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

 

 

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng biktima.

Papauwi na raw ang tsuper ng van nang mangyari ang aksidente.

"Biglang tumawid po. Biglang tumawid... Madilim. Hindi ko siya napansin kaya huli na nang nakapreno ako," sabi ni Ernesto Manapo Jr., tsuper ng van.

Hindi raw mabilis ang kanyang pagpapatakbo ng sasakyan, dagdag pa niya.

Ayon sa mga residente, takaw-aksidente ang lugar dahil masyadong madilim doon.

"Palaging may aksidente kaya dapat 'yung ilaw maayos na 'yan. Malagyan ng ilaw at may mga signage na prone accident," sabi ni Arnel Escaso, isang residente.

Nasa kustodiya na ng Quezon City Traffic Sector si Manapo. —KG, GMA News