Isang babaeng motorcycle rider ang namatay at ang kanyang angkas na babae ay sugatan matapos magsalpukan ang kanilang sinasakyang motor at ang isang truck sa San Mateo-Batasan Road sa Quezon City nitong Linggo ng madaling araw, ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa Super Radyo dzBB.
Ayon sa mga nakasaksi, mabilis ang takbo ng motor paakyat ng San Mateo-Batasan Road papuntang Batasan nang sumabit sa island ang kanilang motor at tumalsik ito.
Pababa naman nang nasabing kalye ang isang truck at nangyari ang aksidente nang mahagip nito ang gulong ng motorsiklo.
UPDATE: QCPD, iniimbestigahan na ang nangyaring aksidente sa San Mateo-Batasan Road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City kung saan isa sa dalawang motor rider ang nasawi. | via @Isa_Umali pic.twitter.com/uJ915HgbHH
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 1, 2019
Dinala na sa punerarya ang bangkay ng motorcycle rider. Hindi na halos makilala ang biktima dahil nabasag ang kanyang panga. Hindi kinaya ang impact ng aksidente kahit na naka-helmet ang biktima.
Ang angkas naman ay itinakbo na sa East Avenue Medical Center at siya ay nasa kritikal na kalagayan.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Quezon City Police District ang aksidente.
Nasa presinto na ang driver ng truck at sinabi nitong hindi sinasadya ang pangyayari.
Bigla na lang daw sumulpot sa harap niya ang motorsiklo. —KG, GMA News
