Nabaril ng 17-anyos na binata ang kanyang pitong taong gulang na pinsan sa Pasay City.

Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa “24 Oras”, pinaglalaruan ng 17-anyos na binata ang baril nang naiputok niya ito sa kanyang pinsan. Tinamaan ang biktima ng bala sa puwet.

Napag-alaman ng mga pulis na kalibre trenta'y otso ang baril na pinaglaruan ng suspek.

"Nu'ng marinig kong may pumutok at biglang lumapit sa akin 'yung pamangkin kong pitong taon sabi niya, 'Tita, isang masakit po. Mainit.' Sabi ko, ano 'yun? Nagdurugo. Tinignan ko, may butas sa kanang puwet niya,” sabi ng tiyahin ng biktima.

“'Yun nga hawak na niya yung kaliwang tainga niya, tinanong namin, ano nangyari? Tapos 'di na siya nagsasalita hanggang napatumba siya diyan,” dagdag naman ng pinsan ng biktima.

Isinugod sa ospital ang biktima at makakaligtas naman ito ayon sa mga doktor. Tatanggalin pa lamang ang balang pumasok sa kanyang katawan.

Inaresto naman ng mga pulis ang suspek sa kasong illegal possession of firearms.

Ayon sa suspek, napulot lang daw niya ang baril.

Hindi naman pinaniwalaan ng barangay kagawad at pulis ang palusot ng suspek.

"Kasi unang una, papano siya nakahawak ng 38 tapos nasabi niya napulot. Kung napulot niya 'yun, isinurrender niya [dapat sa pulis]. Bakit niya dinala? Puwede rin niya gamitin pang-holdap 'yun eh," ani Kagawad Teddy Rosales ng Brgy. 184 Pasay.

“Marami na siyang record. Noong 2016 at 2017, nasangkot na itong bata na ito sa mga iba pang mga gulo at iba pang krimen: theft, drugs...kaya tinitignan din namin 'yung anggulo na napulot lang niya yung baril,” dagdag pa ni P/Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay police.

Ibinigay na ang pangangalaga ng suspek sa youth center sa Pasay na sakop ng  Department of Social Welfare and Development. —Llanesca Panti/ LDF, GMA News