Hahainan lang sana ng search warrant ang isang suspek nang mauwi ito sa madugong operasyon ng mga awtoridad sa Makati City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes.

Nanlaban at gumanti daw ang suspek na si Rolando Abundo Jr. alyas Bagyo sa mga pulis na sumugod sa kanyang bahay sa Taylo Street sa Barangay Pio Del Pilar sa ilalim ng isang search warrant.

“Kung makita niyo, yung pinasukan nating kwarto kanina, ang daming butas,” sabi ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde.

“At ito ang baril niya. Ito ang ginamit niya, isang 40 caliber glock. Ito yung magasin niya na inubos sa entering party natin,” paliwanag pa ni Albayalde.

Tinitiktikan na raw ng mga pulis si Abundo simula pa noong 2016 dahil bukod sa big time drug pushing, hitman pa raw si Abundo ng mga malalaking tao.

“Most probably kung sino-sino ang nagha-hire sa kanya,” sabi ni Albayalde.

“And it is not very remote that he is also being hired by some big-time or influential people, but includes already unscrupulous politicians, probably probable candidates,” dagdag pa niya.

Humaharap din sa dalawang kaso ng murder ang suspek na kasalukuyang nasa preliminary investigation.

Nakuha sa kanyang bahay ang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P3.4 milyon ang halaga, high-powered firearms, mga rifle, mga pistol, mga bala, hand grenade at bala ng grenade launcher.

Inimbitahan naman sa presinto ang walong kamag-anak at kapitbahay ni Abundo at itinuturing din sila ngayong persons of interest sa operasyon ng napatay na kaanak.

“They will be brought to the station for verification kasi itong mga ito ay by chance, nandito sila. We're not saying they are also guilty. They will be brought to the station for investigation,” sabi ni Albayalde.

Nasugatan pa ang dalawa sa kanila sa nangyaring putukan. Isinugod din sila sa ospital at hindi naman kritikal ang lagay.

Itinanggi ng ilan sa mga kaanak at kapitbahay na sangkot sila sa anumang ilegal na gawain ni Abundo.

“Kakarating ko lang dito galing sa bahay. Pinuntahan ko po ang girlfirend ko. Tapos paakyat na po ako ng hagdan, nagputukan bigla. Tapos nandun lang po ako sa taas. Tapos hinold ako dito,” sabi ni Leonell Lumberio.

“Bale yung anak ko po nandito sa labas kaya napatakbo po ako e. Hinold po ako dito,” sabi naman ng isa pang person of interest na si Rixon Pantoja.

“Wala po akong alam ma’am. Nagtatrabaho po akong maayos ma’am,” sabi pa niya. —Joviland Rita/ LDF, GMA News