Patay ang isang ginang habang sugatan ang kaniyang anak matapos sumabog ang granada na inihagis sa sinasakyan nilang truck sa Panabo City, Davao del Norte. Ang mga suspek na naghagis ng granada, sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Purok Pantukan 1 sa Barangay J.P Laurel nitong Miyerkules dakong 7:00 pm.

Sa imbestigasyon ng pulisya, inunahan umano ng mga suspek ang truck ng mga biktima at inihagis ang granada sa unahan na ilang saglit lang ay sumabog na.

Nasawi ang ina na si Loreta Abapo, 56-anyos, na taga-Davao del Sur, habang sugatan ang kaniyang anak na si Yushehito,

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari at iniutos ni Panabo Mayor Jose Relampagos, na higpitan ang seguridad sa lungsod kasunod nang insidente.-- FRJ, GMA Integrated News