Patay ang dalawa sa apat na umano'y holdaper sa Quezon City nang makipagbarilan sa mga pulis, ayon sa ulat sa telebisyon nitong Huwebes ng umaga.

Nangyari ang engkwentro sa Barangay Payatas nang lapitan ng mga pulis ang isang nakaparadang taxi at biglang nagpaputok ang mga nasa loob nito, ayon sa ulat ng Unang Balita.

Patay ang dalawang suspek at nakatakas ang dalawa pang lalaki. Wala pang pagkakilanlan ang dalawang napatay, ayon sa mga awtoridad.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station 6, may tumawag sa police hotline 911 at nagsumbong tungkol sa apat na lalaki sakay ng isang taxi.

Nang rumesponde ang mga pulis at na kita ang taxi, agad nila itong nilapitan, ngunit agad na nagpaputok ang mga lalaki sa loob.

Isang babae na umano'y biktima ng mga suspek ang ang nagsumbong sa panghoholdap ng apat na suspek sa kaniya at tinangka pa umano siyang gahasain.

Ayon sa babae, na hindi binanggit ang pangalan, "Napansin ko may taxi panay ang ikot.  Hindi ko pinansin, malayo-layo pa kasi. Sumunod sa akin at biglang nagbukas pinto,  tapos sinabihan ako na holdap ...sapilitan akong isinakay. Inikot-ikot ako. kung saan-saan ako dinala. Galing malapit san Diego Street. Nung nasa loob ng taxi sinabi nila i-rape daw ako.  Lahat ng iutos daw nila gawin ko lang."

Dahil sa tawag sa 911, naispatan ng mga pulis ang taxi at doon na at nagkaenkuwentro.

Tinutugis pa ng mga awtoridad ang dalawang suspek na nakatakas. —LBG, GMA News