Patay ang dalawang miyembro umano ng Buratong drug group matapos silang manlaban daw sa mga awtoridad na nagsagawa ng bus-bust operation sa Pasig City nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang engkuwentro sa Barangay Dela Paz dakong 2:00 a.m., na nagresulta sa pagkakapatay kina Jalal Salamoden at Sampiano Rason.

Sa buy-bust operation, 400 gramo ng shabu ang binili ng nagkuwaring buyer na operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit ng NCRPO. Pero nang matunugan umano ng mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon, nagpaputok umano ang mga ito sabay takas.

"Nagkaroon ng putukan at naghabulan malapit lang naman, nandito rin ang tropa natin so after the encounter it resulted in the death of the two armed suspects," sabi ni NCRPO Chief Police Major General Guillermo Eleazar.

Bukod sa nabiling droga sa buy-bust, may nakuha pang mga shabu sa bag ng mga suspek na umabot sa isang kilo na may street value na P6.8 milyon.

Nakuha sa mga suspek ang dalawang baril, at motorsiklo na ginamit ng dalawa.
Itinuturing na high value target ang dalawa dahil sa kinabibilangan nilang grupo na nagkakalat umano ng droga sa buong Metro Manila.

Matapos na mahuli at makulong noong 2006 si Amin Imam Buratong, lider ng grupo, sinasabing pumalit sa kaniyang puwesto ang pinsan niya si Mac Mac Buratong.--FRJ, GMA News