Kinuyog at ninakawan ng walong kabataan sa Malate ang isang pahinanteng nag-overtime at madaling araw nang nakauwi mula sa trabaho, ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Biyernes.

Dahil sa dami ng tinamong suntok at sipa ay nawalan ng ulirat ang biktima, dahilan para kunin ng mga kabataan ang kanyang cellphone at pera.

Huli sa CCTV ang naganap na pambubugbog at pagnanakaw sa biktima.

Basag ang mukha ng pahinante nang mag-report ito sa barangay at sa Manila Police District police station. Aniya, pinuntirya siya ng mga kabataang bigla na lang naglitawan nang mapaso ang curfew Biyernes nang madaling araw.

"Nung matapos ang oras ng curfew, 4:48, nakatiyempo sila nang mapagdidiskitahan," ani Gary Eresmas, barangay clerk ng Barangay 719 ng Maynila.

Nakipag-ugnayan na ang barangay officials sa mga pulis para makausap ang mga magulang ng mga kabataan.

"Identified na namin ang mga kabataan, may mga pangalan kami nito, alam na namin yung tirahan nila, ipa-followup namin itong mga kabataan na ito," ani Eresmas. —KBK, GMA News