Isang binatilyo ang binugbog matapos na hindi umano makapaglabas ng "lighter" nang makisindi sa kaniya ang mga suspek na nakasalubong lang niya sa Malate, Maynila noong nakaraang Biyernes.


 

Sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa CCTV video ang kaguluhan ng ilang kabataan sa P. Ocampo na kinasangkutan ng ilang menor de edad.

Ang biktima,  bumagsak sa kalsada nang hatawin ng bangko at doon na siya nagulpi nang husto.

Walang umawat sa mga kabataan sa pambubugbog sa biktima na tumagal umano ng halos isang minuto.

Matapos ang pananakit, umalis na parang walang nangyari ang mga suspek bitbit ang bangko na ginamit sa paghampas sa biktima.

Nahuli naman ng mga awtoridad ang apat sa mga nambugbog, at tatlo sa kanila ay napag-alamang menor de edad.

Base sa inisyal na imbestigasyon, hindi raw nakapaglabas ng lighter ang biktima nang hingan siya ng mga suspek na makikisindi sana ng sigarilyo sa kaniya.

Ipinatawag naman ng pamunuan ng Barangay 719 ang mga magulang ng mga kabataang sangkot sa gulo upang mapagsabihan nila ang kanilang mga anak.

"Nag-meeting kami, ang unang-una naming ginawa siyempre bineef up namin ang mga kuwan namin, mga barangay tanod, mga magulang... kinakausap din namin," sabi ni Jaime Adriano, kapitan ng Barangay 719. -- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA news