Arestado ang isang lalaking nagpapanggap na taga-Department of Budget and Management (DBM) at humihingi ng donasyon para raw sa anak na nasa ospital, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.

Target daw ng suspek na si Joseph Pajila Sr. ang mga pulis. Mangiyak-ngiyak siya habang humihingi ng tawad nang dalhin sa Sampaloc Police Station nitong Linggo nang gabi.

Ayon kay Pajila, target niya ang mga pulis dahil matulungin ang mga ito.

Nabisto ang modus ni Pajila nang tawagan ng pulis ang San Lazaro Hospital at malamang wala ang pangalang binigay ni Pajila na naka-confine doon.

Kalaunan, inamin ng suspek na hindi siya taga-DBM at wala rin daw siyang anak na may sakit sa ospital. Nagawa lang daw niyang manloko para may pambayad sa requirements sa inaapplyan niyang trabaho sa DBM at para rin daw sa gastusin ng kanyang mga anak.

Sabi ni Pajilla, dalawang araw pa lang siya nag-iikot sa mga presinto para manghingi ng pera.

Napag-alaman namang may tatlo nang napuntahang police precincts si Pajila sa Quezon City kung saan naging matagumpay siya.

Mahaharap ang suspek sa reklamong usurpation of authority, illegal use of uniform and insignia at estafa. —KBK, GMA News