Pumalag si House Deputy Speaker Mujiv Hataman sa alegasyon na nagkaroon ng dayaan sa Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur kaya nanalo si Leni Robredo laban sa vice presidential race noong 2016 elections laban kay Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Nitong Martes, inatasan ng Korte Suprema na umuupong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kampo nina Robredo at Marcos, na magkomento kaugnay sa petisyon ng huli na pawalang-bisa ang resulta ng halalan sa vice presidential race sa tatlong lalawigan.

Idinahilan ng kampo ni Marcos na nagkaroon umano ng malawakang dayaan sa naturang mga lalawigan kaya siya natalo sa halalan.

Ang naturang petisyon ay bahagi ng electoral protest na isinampa ni Marcos sa PET laban sa pagkapanalo ni Robredo. (READ: PET, wala pa ring desisyon sa poll protest ni Marcos vs. Robredo; pero resulta ng initial recount, ipinalalabas)

Pero giit ni Hataman na dating gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, na tinatawag na ngayong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan kabilang ang Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur, walang basehan ang paratang na nagkaroon ng dayaan sa rehiyon.

"These claims have no basis. Bakit 'pag may natatalo sa ARMM, ang reklamo lagi ay may dayaan? Bakit 'pag nanalo, wala namang sinasabi?," sabi ni Hataman, na kongresista na ngayon ng Basilan.

Si Hataman, kapartido ni Robredo sa Liberal Party, ang nanalong gobernador ng ARMM noong 2016 elections. Nang maaprubahan ang Bangsamoro Organic Law na nagbigay-daan sa BARMM, tumakbo siyang kongresista ng Basilan nitong nakaraang May 2019 elections.

Ayon sa kongresista, nakuha ni Robredo ang suporta ng mga tao sa Mindanao dahil sa nangampanya ang bise presidente sa rehiyon, taliwas kay Marcos na hindi umano nakita sa kanilang lugar sa panahon ng kampanya.

Dagdag pa ni Hataman, bukod sa hindi pa umano nalilimutan ng mga tao sa Mindanao ang pang-aabusong dulot ng martial law na ipinatupad noon ng ama ni Marcos na si dating Pangulong Marcos Sr., inupuan din umano ng nakababatang Marcos ang BOL noong siya ang tagapangulo ng Senate committee on local government.

"Bongbong Marcos did not act on the measure that is now known as the Bangsamoro Organic Law. He was the former chair of the Senate committee on local government where the BOL measure was pending, and sat on it until his term ended. The people of ARMM expressed their disappointment through their vote," sabi ng kongresista.

Sa hiwalay na pahayag naman sa Facebook post ni Zia Alonto Adion, assemblyman ng BARMM, sinabi rin nito na tanging si Robredo lang ang naglaan ng panahon para bumisita sa Marawi noong 2016 elections.

“We couldn’t expect less from a candidate running for a national office especially if one is up against a well-known political name and is practically fighting an uphill battle. She was effective in doing exactly that. She introduced herself directly to the locals, appealed to them, shook hands with them and went on with her sorties in Marawi and other areas in the province alone. Yes, alone,” anang mambabatas.

Dahil dito, hindi umano kataka-taka na makakuha ng malaking boto si Robredo sa Lanao del Sur.

“So, to question the result of her winning in Lanao del Sur is like skipping an event and then fume about why you weren’t recognized in the first place,” dagdag ni Adiong.-- FRJ, GMA News