Hindi lang ang mga deboto ng Itim na Nazareno ang nakatikim ng mahigpit na pagbabantay ng mga pulis sa traslacion nitong Huwebes kung hindi maging ang GMA News reporter Jun Veneracion. Gitna kasi ng giriian ng mga pulis at mga deboto, may pulis na kumuha sa cellphone ng mamamahayag habang kumuha siya ng video ng naturang kaguluhan sa Ayala Bridge.

Sa video na ipinalabas sa GMA News "24 Oras," makikita na itinutulak ng mga pulis ang mga deboto at mayroon ding isang sinasakal at pilit na pinapadapa ng mga pulis.

Maya-maya lang, isang pulis ang lumapit kay Veneracion at inagaw ang kaniyang cellphone at umalis.

Hindi raw kaagad nakilala ng mamamahayag ang pulis pero nakita niyang may "estrelya" o star sa uniporme nito na indikasyon na isa siyang heneral.

Kinalaunan, natukoy ang naturang pulis na si Police Brigadier General Nolasco Bathan, ang hepe ng Southern Police District.

Isinauli naman kay Veneracion ang kaniyang cellphone pagkaraan ng 20 minuto, at humingi umano ng paumanhin si Bathan at idinahilan na hindi niya raw nakilala agad ang mamamahayag.

Pero nang tingnan ni Veneracion ang video, burado na ito kaya kinompronta niya si Bathan kung bakit binura ang kaniyang kuha.

Itinanggi naman ni Bathan na siya ang nagbura ng video.

“Wala akong binura dyan, saksi ko pa ang Itim na Nazareno,” sagot umano ni opisyal batay sa Facebook post ni Veneracion sa nangyari.

Ang hindi alam ng nagbura ng video, may "Recently Deleted" album ang cellphone ni Veneracion kaya naibalik niya ang binurang video.

Sa video, madidinig pa ang utos na burahin ang kuha ni Veneracion.

"Burahin mo, burahin mo kuha ni Jun Veneracion. P***** i** nagku-kwan eh," ayon sa nag-utos na hindi tukoy kung sino.

Ayon kay Veneracion, ipinaalam na niya kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ang insidente.

Nangako naman umano si Año na iimbestigahan ang nangyari.

Wala pang impormasyon kung ano ang nangyari sa deboto na nakita sa video ni Veneracion na pilit na pinapadapa sa semento ng mga pulis. —FRJ, GMA News