Matapos ang Thailand at Japan, mayroon na ring unang kaso ng misteryosong virus na galing ng China, ang South Korea.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ng Centers for Disease Control and Prevention (KCDC) ng SoKor na isang Chinese na mula sa Wuhan, China ang nagpositibo sa virus na katulad ng coronavirus.

READ: Bagong virus na nagdulot ng outbreak sa China, nakarating na sa Thailand— WHO

Sa pahayag ng KCDC, 35-anyos umano ang pasyente na kinakitaan ng lagnat nang dumating sa Incheon international airport noong Linggo kaya kaagad na inihiwalay sa mga tao para masuri.

"The confirmed patient was identified in the quarantine phase and there is no community exposure. Those that have come in contact, including passengers and aircraft crew, are currently being investigated," ayon sa KCDC.

Umabot na sa mahigit 200 katao ang sinasabing nagkaroon ng naturang virus  mula nang magkaroon ng outbreak sa Wuhan.

Bukod dito, nagkaroon ng rin ng dalawang kaso nito sa Thailand at isa sa Japan, na pawang galing din sa China ang pasyente.

Sa naturang bilang ng mga nagkasakit sa China, tatlo na umano ang nasawi.

Ayon sa KCDC, inihayag ng pasyente sa mga awtoridad ng SoKor na nakaramdaman siya ng mga sintomas ng lagnat, nilalamig at pananakit ng kalamnan.

Dahil sa insidente, mula sa "attention," itinaas na umano ng KCDC ang kanilang infection alert level sa "caution" para palawakin pa ang kanilang monitoring sa virus.— Reuters/FRJ, GMA News