GENEVA, Switzerland—  Kinumpirma ng World Health Organization nitong Lunes na may naitala nang unang kaso sa Thailand ng bagong virus na mula sa katulad na uri ng SARS na nasa likod ng pneumonia outbreak sa China kamakailan.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng UN health agency na isang tao na nanggaling sa Wuhan, China, ang naospital sa Thailand noong Enero 8 matapos ma-diagnose na may "mild pneumonia."

READ: Mga dumarating sa bansa, todo-bantay dahil sa misteryosong sakit na nadiskubre sa China

"Laboratory testing subsequently confirmed that the novel coronavirus was the cause,"  sabi ni WHO spokesman Tarik Jasarevic sa AFP sa email, patungkol sa bagong virus.

Ayon sa WHO, posibleng magpatawag sila ng emergency meeting bungan ng posibleng pagkalat ng bagong virus.

"Given developments, WHO Director-General Dr Tedros Adhanom Ghebreyesus will consult with Emergency Committee members and could call for a meeting of the committee on short notice," saad nito sa pahayag.

READ: China’s mysterious disease is new strain of coronavirus, says DOH exec

Ang Thailand ang unang bansa na nagkaroon ng naturang kaso ng bagong virus sa labas ng China. Kamakailan lang, 41 katao sa China ang nagkaroon ng sakit na may sintomas ng pneumonia.

Nagsimula ang naturang sakit sa lalawigan ng Wuhan, at isa sa mga pasyente ang namatay na.

Ikinaalarma ang pagkakatuklas ng bagong virus dahil sa idinulot ng SARS, o Sudden Acute Respiratory Syndrome noong 2002-2003, na kumitil sa buhay ng 349 katao sa mainland China at 299 sa Hong Kong.

Matapos ng pagsusuri, kinumpirma ng WHO na ang outbreak na naganap kamakailan sa China ay sanhi ng hindi pa matukoy noon na uri ng corona virus, na nagdudulot ng karaniwang lagnat at sipon hanggang sa mas malubhang SARS.

Batay sa nakalap na impormasyon sa mga health official ng Thailand, sinabi ng WHO na bumubuti na umano ang pasyente.

Hindi na rin umano nasorpresa ang WHO na nakalabas ng China ang virus.

"The possibility of cases being identified in other countries was not unexpected, and reinforces why WHO calls for on-going active monitoring and preparedness in other countries," saad nito sa pahayag. — AFP/FRJ, GMA News