Kahit mapapaso na ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso 30, sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na "hindi ganoon ka-urgent" ang pagtalakay sa mga panukalang batas na nakabinbin sa Kamara de Representantes para palawigin ang bisa ng prangkisa ng nabanggit na network.

“Hindi ganoon ka-urgent. Bakit? Kasi hanggang March 2022, puwedeng mag-operate. Definitely, before March 2022, possibly in May if we have cooler heads," paliwanag ni Cayetano nang makapanayam ng mga mamamahayag nitong Biyernes.

Ayon sa lider ng mga kongresista, masyadong mataas sa ngayon ang emosyon ng mga kontra at pabor sa pagpapalawig sa prangkisa ng network at makikita umano ito maging sa mga post sa social media.

Kung huhupa na umano ang tensiyon, maaari umanong matalakay na sa komite ang mga panukalang batas tungkol sa prangkisa sa Mayo, o kung hindi man ay pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo.

“Kung tayo mag-hearing ngayon, alam mo, sasabihin ko sa inyo kung ano mangyayari. It will suck all the energy of the 18th Congress. Halos lahat ng miyembro, mag-a-attend," pahayag niya.

"At pustahan tayo, lahat ng anti, pro, pipila para makapagsalita. The who’s who of the Philippines, lahat ng celebrities, basketball players, media, mag-a-attend kayong lahat," dagdag pa ni Cayetano.

Tanong pa niya, "Is it the right timing? Tayo ba lahat nasa right frame of mind ngayon o may mga init ng ulo pa?”

Ayon kay Cayetano, nagkakaisa naman daw ang pananaw ng mga mambabatas na maaari pa ring mag-operate ng ABS-CBN hanggang matapos ang 18th Congress sa June 2022 kung hindi man maaprubahan ang renewal ng kanilang prangkisa bago matapos ang katapusan ng darating na Marso.

Ang pahayag ni Cayetano ay alinsunod sa mga naunang sinabi nina Senate President Tito Sotto at House Committee on Legislative Franchises Vice-Chairman Tonypet Albano, na maaari pa ring mag-operate ang ABS-CBN kahit wala pang bagong prangkisa habang nakabinbin ang panukalang batas tungkol dito.

“Chairman Albano agrees; Senate President agrees. I looked at the legal basis, parang habang hindi nade-deny [ang pending bills, hindi magsasara], kaya sana, ‘yun rin ang isipin niyo,” giit niya.

“Mag-hearing tayo [ngayon], panay init ng ulo, e ‘pag na-deny e ‘di sarado. Oh, ‘pag na-approve naman, nandiyan din ‘yung protesta. If I thought, in my judgement, that it will be good for the country at mare-resolve natin right away, nagpatawag na ako ng hearing. Pero tingin ko ‘yung dalawang linggo sa committee at dalawang linggo sa plenary, hindi mangyayari,” dagdag ni Cayetano.-- FRJ, GMA News