Isang puting bato na mahigit dalawang kilo ang bigat ang lumulutang sa dagat. Ang naturang bato, kabilang sa mga ginagamit ng isang faith healer sa Guimaras Island sa kaniyang "panggagamot" sa kaniyang mga pasyente. Bakit nga ba lumulutang ang bato kahit mabigat?

Sa programang "AHA!," sinabi ni Leo Salvante na ang mga kakaibang bato ang ginagamit niya sa panggagamot sa mga kinukulam o binabarang.

Ginagamit din niya ang mga bato bilang protoksyon at pampasuwerte.

Pero maliban sa puting bato, mayroon din siyang iba pang uri ng bato na maitim na lumulutang din sa tubig.

Nang suriin ng geologist na si Catherine Tapalla ang puting bato ni Salvante, natuklasan na hindi talaga ito bato kundi isang coral.

Ayon kay Tapalla, gawa sa calcium carbonate ang coral kaya nagkakaroon ng reaksyon kapag nilagyan ng asido, gaya ng pagbula.

Nakatawag naman ng pansil sa geologist ang isa pang bato sa mga koleksyon ni Salvante na kulay itim na isang "pamice."

Lumulutang umano ang pamice dahil marami itong air bubbles, at nabubuo sa pamamagitan ng pagputok ng bulkan.-- FRJ, GMA Integrated News