Nagka-cutting trip na ang mga jeep matapos gawing one-way ang West Service Road sa Alabang, Muntinlupa.

Ang mga pasahero tuloy ay napipilitan na maglakad na lamang ng aabot sa dalawang kilometro, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Ayaw nang umikot ng malayo ng mga jeep na nagka-cutting trip.

Nagrereklamo ngayon ang mga pasahero.

Buo naman daw ang bayad nila sa pamasahe pero kalahati lang ang nakuha nilang serbisyong biyahe.

Hiling nila ay tugunan sila ng mga awtoridad sa kanilang problema.

Ginawa nang one-way southbound ang West Service Road mula Alabang Hills patungong Alabang-Zapote Road. 

Ito ay para magbigay daan sa ginagawang extension ng Skyway.

Ang northbound na mga motorista naman ay kailangang gamitin ang East Service Road mula Alabang hanggang Sucat. 

Tatagal ng tatlong buwan o hanggang Mayo ang nasabing traffic scheme. —KG, GMA News