Iginiit muli ni Speaker Alan Peter Cayetano Cayetano na hindi hindi siya papayag na mawala sa ere ang ABS-CBN habang dinidinig ng Kongreso ang prangkisa ng network. Pero binanatan niya ang mga umano'y epal at sipsip na dumalo sa pagdinig na isinagawa sa Senado tungkol sa prangkisa ng network.

Sa relaunch ng Kobe Byrant exhibit sa Kamara de Representantes nitong Lunes, iginiit ni Cayetano sa mga mamamahayag, na nais nila na maging mahinahon ang gagawing pagtalakay ng kapulungan sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.

Gayunman, may pagdududa siya sa pakay ng ginawang pagdinig ng Senado sa isyu ng prangkisa ng network, sakabila ng nakasaad sa batas na dapat manggaling sa Kamara ang mga panukalang batas na may kaugnayan sa prangkisa.

"There's no question yung iba nagmamalasakit lang. There's no question there are solid supporters of ABS. But yung iba OA na e. Parang doomsday na ang ginagawa para lang makapagsipsip. Hindi yun ang proseso," ayon sa lider ng mga kongresista.

"Bakit nag-hearing ang Senate? Anong purpose? Parang nag-a-attendance sa ABS-CBN. 'Hello, I'm here, I'm for you.' Kasi sabi nila it's not for the franchise kasi hindi pa sila puwedeng mag-hearing sa franchise, nandito pa [sa House]. So what's it for?" tanong ni Cayetano.

Bagaman mahalagang usapin daw ang ABS-CBN franchise renewal,  sinabi ni Cayatano na may mga mas mahahalagang panukalang batas na kailangan silang unahin na talakayin.

"The ABS-CBN has 11,000 jobs but the CITIRA (Corporate Income Tax and Incentives Reform Act) can produce 1.5 million jobs," paliwanag ng kongresista.

"Having said that, mabuti na rin na nag-hearing, mabuti na rin na pinag-uusapan yung mga issues, but I can promise you, sa House, mas organized yung hearing. Mas malinaw yung issues bago pa mag-start yung hearing, at lahat yung pro and con, management, employees and viewers will be given an opportunity to be heard," pagtiyak niya.

Nitong Lunes din, inihayag ni House Committee on Legislative Franchises chair Rep. Franz Alvarez, handa na nilang tanggapin ang mga position paper na susuporta at tutol na muling bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

Kapag natanggap na ang iba't ibang pananaw tungkol sa usapin ng prangkisa, maaaring simulan na umano ang pagtalakay dito sa Mayo o Agosto kapag natapos na ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, na gaganapin sa Hulyo.

Dati nang sinabi ni Cayetano na maaari pa ring mag-operate ang ABS-CBN hanggang March 2022 kahit mapaso na ang prangkisa nila sa katapusan ng darating na Marso habang tinatakay ang kanilang franchise bills.

Dagdag pa ng kongresista, may kasunduan ang Kongreso sa National Telecommunications Commission (NTC) para manatili ang operasyon ng broadcast netowork. --FRJ, GMA News