Ipinakita ng isang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) ang dalawang klase ng itinuturing "basic" face shield na pasok sa suggested retail price (SRP) na P26 hanggang P50 lang dapat ang presyo.

Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Huwebes, ipinakita ni  DTI Undersecretary Ruth Castelo, ang dalawang uri ng simpleng face shield na non-medical grade na madalas na mabili ng publiko.

ALERT!: Scammer, nambiktima ng ilang reseller ng face shield; suspek, gumamit ng na-hack na FB account

Ang mga basic shield ay may garter, foam, acetate sheet, at frame, na maaari umanong gamitin ng mga sasakay sa mga pampublikong sasakyan.

May ipinakita rin ang opisyal na mataas na uri ng face shield na ginamitan ng makapal na salamin at tila helmet na ang presyo umano ay maaaring umabot sa P500.

Dahil itinatakda na rin sa mga pasahero ang magsuot ng face shield para makaiwas sa hawahan ng COVID-19, tumaas ang demand sa naturang produkto ay may ilang negosyante naman ang nagsasamantala.

Kaya naman minabuti ng DTI na magpalabas ng SRP sa face shield.

Babala ni Castillo, maaaring magmulta ng hanggang P2 milyon ang mga negosyanteng hindi susunod sa inilabas nilang SRP sa face shield.

“Ang penalty doon — this is covered kasi by the Price Act dahil declared ng DOH (Department of Health) na basic commodity siya or essential good — P2 million ang maximum, P5,000 minimum,” ananong opisyal.

“There is also imprisonment of five to 15 years for profiteering,” dagdag niya.--FRJ, GMA news