Nasawi ang isang 16-anyos na dalagita at dalawa pang kabataan ang sugatan matapos silang pagbabarilin ng isang rider na nagmula sa grupong sakay ng limang motorsiklo sa Liloan, Cebu.

Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa 24 Oras, mapapanood ang pagtambay ng mga kabataan sa labas ng isang convenience store madaling araw nitong Huwebes.

Ilang saglit pa, nagpulasan na ang mga kabataan sa pagdating ng lalaking naka-helmet na bigla na lamang nagpaputok.

Bukod sa dalagita, tinamaan din ang isang lalaking 17-anyos at isa pang lalaki na 18-anyos.

Isa-isang tinulungan ng mga tao sa lugar ang mga sugatang biktima at itinakbo sila sa pinakamalapit na ospital.

Kalaunan, binawian ng buhay sa ospital ang dalagita.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Liloan Police Station na bahagi ng isang grupong sakay ng limang motorsiklo ang namaril na suspek.

Narekober sa crime scene ang aabot sa 18 empty shells at dalawang slugs.

Ayon sa Liloan Police, isinasagawa na ang hot pursuit operation upang matukoy ang mga salarin at ang posibleng motibo ng krimen.

“Marami tayong anggulo, puwedeng personal grudge, puwede ring love triangle, gang war, ito ang possibilities. Posibleng pinagtripan lang din, random lang, ‘yan ay base sa aming assessment,” sabi ni Police Major Eric Gingoyon, hepe ng Liloan Police Station.
—Jamil Santos/RF, GMA Integrated News