Inihayag ni Senador Joel Villanueva na 56 porsiyento ng mga namatay sa COVID-19 hanggang nitong Oktubre 5 ay hindi man lang umano nadala sa ospital para matulungang lumaban sa virus. Ang naturang datos, galing daw mismo sa Department of Health (DOH).

Sa pagdinig ng Senado nitong Biyernes sa panukalang budget ng DOH sa 2021, sinabi ni Villanueva na batay sa datos ng DOH hanggang nitong Oktubre 5, nakasaad na 3,279 ng 5,840 na namatay sa COVID-19 ay hindi naratay sa ospital.

Ayon kay Villanueva, ang naturang datos ay mas mataas sa 48 porsiyento na naitala noong Agosto kung saan pinuna na umano niya si DOH Secretary Francisco Duque III, tungkol sa naturang usapin.

"Ang mas masaklap ay umabot na rin po sa 76 porsiyento ng mga kritikal na COVID patients ang hindi rin na-admit sa mga ospital," saad naman ng senador sa kaniyang social media post.

Ayon kay Villanueva, nakakabahala ang datos dahil 54 porsiyento umano ng COVID-dedicated ICU bed ay bakante pero marami pa rin ang hindi nagagamot sa mga ospital.

"Malinaw po na kailangan nang maayos na referral system para sa mga COVID patients na may kritikal at malubha na sintomas upang agad ma-admit sa ospital," giit niya.

Sa naturang pagdinig sa Senado na dinaluhan ni Duque, inamin nito na nakarating sa kaniya ang impormasyon tungkol sa malaking bilang ng mga pasyente ang namamatay pagdating sa mga pagamutan pero kailangan pa umanong i-validate.

Isa umano sa posibleng dahilan ng mataas na bilang ng mga nasasawi ay hindi kaagad nagpapatingin sa ospital ang mga tao lalo na ang mga mahihirap hanggang sa lumalala na ang sitwasyon.

"This is really unfortunate," sabi ng kalihim. "The condition of the patient once they arrived in the ER becomes irreversible kaya DOA [death on arrival] ang malaking bilang po nito. But we are having this validated."

Ayon pa kay Villanueva, "Mahigit 3,200 na buhay ang nakakalungkot na it appears na hindi ito naipaglaban at wala na po sila sa mundo na ito at hindi na maibabalik ang buhay nila."

Sa datos ng DOH nitong Biyernes, umakyat na sa 334,770 ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, at 53,311 nito ang active cases.

Samantala, umakyat naman sa 6,152 ang kabuuang bilang ng mga nasawi matapos pumanaw ang 83 pang pasyente.--FRJ, GMA News