Idinepensa ni Senate President Vicente Sotto III sa Pangulong Rodrigo Duterte mula sa mga puna na hindi nagpakita ang Punong Ehekutibo nang manalasa sa bansa ang Super Typhoon na si "Rolly." 

Sa kaniyang text message sa mga mamamahayag nitong Lunes, sinabi ni Sotto na puwede namang gampanan ni Duterte ang kaniyang tungkulin kahit wala mismo sa lugar na sinasalanta ng bagyo.

"He is in the Philippines 'di ba? The web is very active 'di ba? What can he not do in Davao?" anang lider ng Senado.

"He can oversee it from wherever he is if he wants to," dagdag ni Sotto.

Nag-trend sa Twitter ang #NasaanAng Pangulo at #NasaanSi Duterte nitong Linggo ng hapon matapos na hindi makita ng publiko si Duterte sa ginanap na government briefing sa naturang araw hanggang sa manalasa na ang bagyo.

Sa naturang unang government briefing kaugnay sa bagyo, nandoon si presidential spokesperson Harry Roque, at sinabing nasa Davao City pa si Duterte.

Gayunman, tiniyak ni Roque na sinusubaybayan ng pangulo ang mga nangyayari sa apeketo ng bagyo kahit pa nasa lalawigan ito.

Paniwala ni Sotto, kahit dumalo si Duterte sa briefing  at ilang oras na nagsalita ay may mga tao pa rin na magrereklamo.

"What can he do in Albay that he cannot do in Davao? The reason there are Cabinet members and local government officials is to be the [representatives] of government and the President," sabi ni Sotto.

Nitong Lunes, nagsagawa ng aerial inspection si Duterte sa naging pinsala ng bagyo sa Bicol Region at Calabarzon, at bumalik na sa Maynila. — FRJ, GMA News