Isa na naman sablay at bastos na salita ang nadiskubre sa learning modules na ginagamit ng mga mag-aaral. Sa pagkakataong ito, inilarawan ang "aswang" na may pakpak at naghahanap ng "makakan...."
Sa pagdinig sa Kamara de Representantes nitong Lunes, sinabi ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Diosdado San Antonio, na may nakita ang ahensiya ng 155 pagkakamali sa learning materials.
Umabot umano sa 163 ang natanggap nilang ulat tungkol sa mga pagkakamali learning materials mula October 2020 hanggang June 2021. Pero sa isinagawa nilang pagsusuri, bumaba ang bilang sa 155.
Sa nasabing bilang, sinabi ni San Antonio na 100 sa mga pagkakamali ay nasa locally-developed materials.
Ipinadala ang mga ito sa division office level para sa kinakailangang pagtutuwid.
Inabisuhin din umano ng DepEd ang mga guro na itama ang mga naturang pagkakamali.
Lumitaw din na mahigit 20 sa naturang mga pagkakamali ay hindi pa tukoy kung saan nanggaling.
"Hindi po 'yan ma-locate, wala pong nakapagpapakita sa amin na nasa DepEd 'yan o ginawa 'yan ng DepEd," paliwanag ni San Antonio sa House Committee on Public Accounts.
Sa naturang pagdinig, inihayag naman ng isang resource person sa komite na si Antonio Calipjo-Go, ang bastos na salita na nakalusot sa learning materials ng DepEd na may kaugnayan sa paglalarawan sa aswang.
Ang naturang pagkakamali ay ipinakita ni Antonio Calipjo-Go sa mga mambabatas.
Nakasaad sa naturang modules na gamit ng mga mag-aaral sa Pampanga na ang "aswang" umano ay:
"Siya rin ay isang diyos pero ang Aswang ay pinaniniwalaan na ito'y tao na kumakain ng kapwa tao, kung minsan ang mga ito ay pinapaniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising kung gabi para maghanap ng makakan*** or maaswang."
Ayon kay San Antonio, hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng bastos na salita sa modules at pinabawi na raw ito noong Pebrero.
Ginamit daw ang naturang module sa mga grade 10 students sa Pampanga, at kasama sa mga nakita nilang mali.
Nadismaya naman si AAMBIS-OWA party-list Representative Sharon Garin sa dami ng mga nakitang pagkakamali sa modules.
"One topic I'm particular about is 'yung unknown sources. How did it happen? 'Di ba nakakatakot 'yan, nakakalusot 'yan and hindi niyo alam saan nanggaling," ani Garin.—FRJ, GMA News