Dahil sa hirap ng buhay lalo na ngayong may pandemic, marami ang pikit-matang nangungutang sa online lending apps. Pero ang ilang mga hindi agad makabayad, nakararanas daw ng matinding panggigipit at nakatatanggap pa ng pagbabanta sa buhay.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng ilang nangutang ang naging karanasan nila nang sinisingil na ng isang lending company.

Nai-record pa ang pagbabanta ng isang agent ng lending company sa kanilang kliyente na sinisingil nila ng utang.

Ang real estate agent naman na si Kanda, umutang sa online lending app ng P5,500 para sa panggatas ng kaniyang anak.

Pero sa P5,500 na kaniyang inutang, umabot na lang sa P3,600 ang kaniyang natanggap dahil sa mataas na interest rate na kinaltas agad.

At nang dumating ang due date ni Kanda, hindi siya nakapagbayad. Ngunit hindi dahil sa wala siyang pera, kung hindi dahil sa nasa training siya at hindi niya alam kung anong oras ito matatapos.

Nang dumating ang cut-off time ng due date ni Kanda, kaagad daw nag-message blast ang agent ng lending company sa kaniyang mga contact para hiyain siya.

Pati ang manager niya, nakatanggap ng mensahe.

Dahil sa ginawa ng lending app, hindi natuloy ang inaasam na promotion sa trabaho ni Kanda.

"Ibinuwis mo yung buhay mo sa pagtatrabaho tapos sa simpleng P5,500 na ganiyan masisira yung credibility mo," hinanakit niya.

Ang dating collection agent naman ng isang lending company na si Bill, nagbitiw sa trabaho dahil sa hindi niya masikmura ang kaniyang ginagawa sa mga sinisingil nila.

"Nakaawa rin yung ibang tao na alam mong hindi talaga makapagbayad," sabi ni Bill na umaabot daw sa P30,000 bawat buwan ang natatanggap niyang sahod.

Ang mga naging biktima ng panggigipit ng mga lending app, bumuo ng group chat upang mabigyan ng kaalaman ang kanilang miyembro tungkol sa kanilang karapatan.

Karaniwang daw na nilalabag ng ilang lending app ang panghihimasok ng mga ito sa contact ng mga may utang upang padalhan ng mga mensaheng nakasisira ng reputasyon.

Ang National Bureau of Investigation, sinalakay ang isang online lending company na may opisina sa Pasig at nakita nila ang sistemang ginagawa ng kompanya para manggipit ng mga sinisingil. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News