Puro pangungutya ang inabot ni Nonito Donaire Jr. sa kaniyang kababayan at kapwa boksingero na si John Riel Casimero. Ito ay matapos talunin ni Casimero si Guillermo Rigondeaux, na tumalo naman kay Donaire noong 2013.

Ayon kay Casimero, hindi sana niya kakalabanin ang 40-anyos na ngayong si Rigondeaux kung hindi lang umatras si Donaire sa nakakasa na sana nilang bakbakan.

Aminado si Casimero na dismayado siya sa ginawa ni Rigondeaux sa kanilang laban na panay ang takbo.

"Last fight na niya (Rigondeaux) 'yon. Lahat ng tao hindi natuwa, lahat ng ano sa TV wala, wala talaga, hindi mabenta sa TV. Kahit ako nga nagalit ako, hindi ako natuwa sa ibinigay niya na laban sa akin," ayon kay Casimero.

Dagdag pa niya, sinabihan umano niya si Rigondeaux na huwag tatakbo at labanan siya nang sabayan para hindi matulog ang mga nanonood at mga hurado.

Patuloy niya, hindi raw sana niya kakalabanin si Rigondeaux kung hindi umatras ang talagang nakatakda niyang makakalaban na si Donaire.

"Hindi ko naman talaga siya (Rigondeaux) lalabanan. Ano bang makukuha ko sa kaniya? Wala. Ang makukuha ko lang sa kaniya yung karangalan ko na matatalo ko siya," paliwanag ni Casimero dahil tinalo ni Rigondeaux si Donaire.

"Hindi ka nahihiya nun (Donaire)? Yung nambugbog sa'yo papatulugin ko sana kung hindi lang tumakbo. Ang hina pala nung bumugbog sa'yo," pasaring ni Casimero kay Donaire.

Nangyari ang bakbakan nina Donaire at Rigondeaux noong 2013, at nanalo ang Cuban fighter via unanimous decision laban sa The Filipino Flash.

Sa mga naunang ulat, nakasaad na hindi itinuloy ni Donaire ang laban kay Casimero dahil sa hindi umano pagbigay sa takdang oras ng kampo ni Casimero ng Voluntary Anti-Doping Association (VADA) test.

Hindi rin nagustuhan ni Donaire ang pagbabastos umano ni Casimero sa kaniyang asawa.

"I stand against misogynistic culture. A grown man recently told the mother of my boys to 'snack on his ****.' We cannot ignore this unprofessional behavior," ayon kay Donaire.

Inihayag naman ni Casimero na handa niyang harapin sino man kina Donaire at Japanese fighter na si Naoya Inoue--na kahit pa sabay umano ang dalawa.--FRJ, GMA News