Sa “Born to Be Wild,” mapapanood ang isang video ng magkaibigang content creator na “Tropang Tuklaw,” na nagre-rescue ng isang itim na ahas sa nasabing lugar.
Pinuntahan ng team ng Born to Be Wild kasama ang taga-DENR (Department of Environment and Natural Resources) ang naturang ahas matapos na ipa-rescue ng isang senior citizen sa Tropang Tuklaw.
Sa bakuran ng matanda, nakita ang ilang pinagbalatan ng ahas. Sinuri ng Tropang Tuklaw ang lupain para mahanap ang lungga ng ahas.
Bukod sa mga bahay, nagpapagala-gala rin ang hindi matukoy na itim na ahas sa bukid. Kalaunan, nakita rin ng mga rescuer ang "misteryosong" ahas sa isang tubo.
Sa tuwing nakakaharap ang tao o anumang gumagalaw na bagay, maliksing umaangat ang ulo ng ahas, lumalapad ang leeg, at hindi inaalis ang tingin ang kaharap.
Kapag nakaramdam na ng panganib, akto itong dudura at tutuklawin ang target. Kumitil na umani ng buhay ng tao at ilang hayop ang ahas.
Ang isang magsasaka, dalawang alagang kalabaw na ang namatay dahil sa tuklaw ng ahas. Isang ginang din sa lugar ang nagluluksa sa pagpanaw ng kaniyang mister dahil din sa tuklaw ng ahas.
Ang host ng programa na si Dr. Nielsen Donato, manghang-mangha sa naturang kobra na tila pinagsamang Philippine cobra at Black Morph Cobra.
Ayon pa kay Dr. Nielsen, unang pagkakataon nilang makakita ng ganoong hitsura ng kobra.
Ano nga bang klaseng kobra ito, at ano ang dapat gawin kapag nakakita at nakagat nito? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng Born to Be Wild.-- FRJ, GMA Integrated News
