Inirekomenda ng House blue ribbon committee ang pagsasampa ng reklamong estafa laban sa mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. Kaugnay ito ng medical supplies na idineliber nila sa pamahalaan para sa COVID-19 pandemic noong 2020.
Sa virtual press briefing nitong Lunes, sinabi ni DIWA party-list Representative Michael Aglipay, pinuno ng komite, inirekomenda na kasuhan ng syndicated estafa sa Department of Justice sina Pharmally chairman Huang Tzu Yen, treasurer Mohit Dargani, president Twinkle Dargani, Pharmally director Lincoln Ong, at iba pang opisyal ng kompanyan na sina Justine Garado at Krizle Grace Mago.
"These acts of Pharmally officials are grossly aggravated by the fact that these were committed during the height of pandemic. By taking advantage of the more lenient procurement regulations under Bayanihan Act One, this matter, Pharmally gravely abused the system to the insufferable prejudice of the government," ayon kay Aglipay.
Ayon sa mambabatas, umaabot sa P8.68 bilyon ang nakuhang kontrata ng kompanya.
Nakita umano ng komite na ang mga rekisito na itinakda sa Government Procurement Policy Board (GPPB) sa mga supplier sa ilalim ng emergency procurement ng Bayanihan Act One ay "extremely deficient in genuinely evaluating the capacity of a supplier."
"One's financial capacity cannot be proven by ITRs or ATRs alone, and an additional requirement such as Audited Financial Statements or credit history may be necessary," ani Aglipay.
"Likewise, documents that can attest to a supplier's capacity to provide the specifications of the goods required, like (a) list of previous projects, may be required," patuloy niya.
Sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag ni Attorney Ferdinand Topacio, abogado ni Ong, sinabi nito na ikinagalang nila ang rekomendasyon ng komite. Pero tiwala siyang mapapawalang-sala ang kaniyang kliyente.
"We are confident that, given a full and fair hearing with all constitutional safeguards freely at hand, the evidence we will present will result in the complete exoneration of my clients," ani Topacio.
Samantala, sinabi ni Aglipay na inirekomenda rin ng komite na kasuhan dahil sa falsification of public documents ang mga dating opisyal ng Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM) na sina Jorge Mendoza II at Mervin Ian Tanquintic.
Inamin nina Mendoza at Tanquintic sa pagdinig na pirmado na ang inspection reports kahit nasa China pa ang COVID-19 supplies at hindi pa nasusuri sa Pilipinas.
Wala namang kasong inirekomenda laban kina dating presidential economic adviser Michael Yang at dating executive director ng Procurement Service of the Department of Budget and Management Christopher Lloyd Lao, dahil sa kawalan ng ebidensiya.
"Lahat ng nangyari sa committee ay based sa evidence lang po and we undertook all procedures and processes legally and fairly," ani Aglipay.
"So ang sagot ko po diyan sa tanong niyo kay Michael Yang and Christopher Lao, insufficiency of evidence. The evidence does not warrant or is not enough for cases to hold," dagdag niya.
Bukod dito, sinabi ni Aglipay na wala silang nakitang overpricing sa pagbili ng COVID-19 supplies, at walang iregularidad sa prosesong ginawa ng PS-DBM.
Bukod sa komite ni Aglipay, maglalabas ng sariling report at rekomendasyon sa naturang usapin ang Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon, na nagsagawa rin ng imbestigasyon sa Pharmally deal.--FRJ, GMA News