Nadakip ng mga awtoridad ang tatlong hacker na naniningil ng hanggang P16 milyon sa kandidato na nais manalo sa Eleksyon 2022 dahil kaya raw nilang manipulahin ang resulta ng bilangan.

Naaresto ang tatlo sa inilatag na entrapment operation ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), na isinagawa sa Imus, Cavite, at Sta. Rosa, Laguna noong Abril 24.

“CICC together with the PNP-ACG conducted an entrapment operation in Imus, Cavite, and Sta. Rosa, Laguna against notorious hackers named 'XSOX Group'," saad sa pahayag ng PNP-ACG.

Kinilala ang mga suspek na sina Joel Adajar Ilagan o “Borger”, Adrian De Jesus Martinez o “Admin X”, at Jeffrey Cruz Limpiado o “Brake/Vanguard/Universe/LRR”.

Ayon sa mga awtoridad, ibinibida ng mga suspek na mayroon silang access sa sistema ng Smartmatic Inc., ang system provider sa automated 2022 elections, at kaya raw manipulahin ang resulta ng boto para maipanalo ang kandidato na kayang magbayad sa halagang hinihingi nila.

“With these arrests, we can assure the public that the threat to rig our electoral process through hacking is substantially diminished as these are the only remaining known hackers who are persistently visible on the dark web claiming that they can manipulate election results,” anang pulisya.

Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni CICC executive director Cezar Mancao II, na tatlong beses nakipagpulong sa mga suspek ang mga undercover operative na nagpanggap na tauhan ng kandidato na nais kunin ang kanilang serbisyo para matiyak ang pagkapanalo.

“In fact, nagkaroon ng three meetings. Una, doon sa Solaire, pangalawa doon sa EDSA Shangri-La Hotel, pangatlo doon sa Pansol, Laguna. Hindi nila alam ang kanilang mga kausap ay mga CICC operatives,” ani Mancao.

Humingi umano ang mga suspek ng P16 milyon bilang kabayaran. Tumanggap umano ang mga ito ng P10 milyon bilang paunang bayad.

Ayon kay Mancao, mayroong access sa Smartmatic system ang mga suspek pero sa partial levels lang umano.

Konektado umano ang tatlo sa dating Smartmatic employee na si Ricardo Argana, na naunang sumuko sa NBI at nagtago na kinalaunan.

Sinasabing ipinasa ni Argana ang access sa Smartmatic system kay Limpiado, ayon kay Mancao.

Ayon kay Mancao, mayroon "contacts" ang mga suspek sa ilang kandidato sa probinsiya pero hindi niya tinukoy kung sino ang mga ito.

Kabilang umano sa mga nilabag ng suspek ang Cybercrime Prevention Act of 2012 para sa:

hacking of Smartmatic system;
disrupting the Comelec website;
hacking the Napocor website;
hacking of credit cards and other online transactions; at
ransomware committed against some local commercial websites.

Sa tulong ng Department of Justice at National Prosecution Service, sinabi ng PNP-ACG na sasampahan ng kaso ang mga suspek sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, partikular ang system interference, illegal access, and attempt in the commission of cybercrime.—FRJ, GMA News