Sa kulungan ang bagsak ng vlogger at rapper na si Daniel Naguit, o mas kilala bilang si "Haring Manggi," sa Pasay City matapos niyang hindi siputin ang mga pagdinig sa mga kaso niyang may kaugnayan sa droga.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkules, makikita ang pagdakip ng Pasay City Police sa isang mall sa Imus, Cavite kay Naguit, nang ipain ang isang indibidwal para lumutang ang rapper at ibenta ang kaniyang bonnet.

Sinabi ng Pasay Police na Disyembre 2021 pa nang ilabas ang warrant of arrest laban kay Naguit sa kasong illegal possession of drugs.

Nakulong si Haring Manggi pero nakapagpiyansa.

Umamin si Naguit na gumamit siya ng droga, partikular ang marijuana.

"2020 po noong hindi pa po gaanong ma-ano 'yung pangalan ko sa mga kalsada. Siyempre po tayo naman bilang tao nagkakaroon tayo ng mga pagkakamali," sabi ni Naguit.

Itinanggi ni Naguit na tinakbuhan niya ang mga kaso niya nang makapagpiyansa.

Wala rin umanong natatanggap si Naguit na mga dokumento kaugnay sa kaniyang pagdinig.

Pinagsisisihan naman ni Naguit ang kaniyang nagawa.

"Lagi tayong manampalataya sa Kataas-taasan, lagi nating unahin ang Diyos sa lahat ng ating ginagawa, at lagi tayong magpapakatotoo sa ating mga sarili mga Manggi ko. Pakatatag lang tayo lagi," mensahe ni Naguit sa kaniyang mga tagasuporta. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News