Naging mainit ang paliwanagan nina Senador Raffy Tulfo at Cynthia Villar kaugnay sa umano'y ginagawang pag-convert sa residential at commercial areas ng mga lupang agrikultural sa bansa.

Sa pagtalakay sa plenaryo ng Senado sa 2023 budget ng Department of Agriculture (DA) na idinepensa ni Villar nitong Huwebes, tinanong ni Tulfo kung ano ang hakbang na ginawa ng kagawaran tungkol sa pag-convert ng mga lupang sakahin na ginawang subdibisyon at iba pa.

"Lumiliit nang lumiliit po ang ating farmlands. Binibili po ng malalaking developer at ginagawang commercial at residential land. Ano pong ginagawa ng DA tungkol dito?" tanong ni Tulfo.

Ipinaliwanag ni Villar--na real estate ang negosyo ng pamilya--na hindi sila basta bumibili ng lupaing agrikultural dahil magiging mahirap itong ibenta kapag tinayuan ang bahay.

"Alam ninyo, that's our business. I want to tell you that we don't buy agricultural lands in the provinces. Nobody will buy in agricultural lands. We only buy in cities and capital towns," paliwanag ng senadora.

"Because the buyer of houses, they want also an opportunity that if they're having financial problems, they can resell their houses and you know, it's very hard to sell houses [if it's] not in cities or capital towns. So we limit ourselves in cities and capital towns," patuloy niya.

Iginiit ni Tulfo na nangyayari ang pagbebenta ng lupaing sakahin gaya umano sa Cauayan, Isabela. May patunay umano ang senador na tinayuan ng subdibisyon ang naturang lupaing pangsaka.

Ito umano ang dahilan kaya nais ni Tulfo na maamyendahan ang National Land Use Act.

Ayon kay Villar, ang Cauayan sa Isabela ay isang lungsod na maaaring tumaas ang halaga ng lupa kapag ipinuhunan sa real estate.

"They allow conversion in cities and capital towns because if they buy your land, they buy it expensive and you can reinvest the money and you will make more money than planting on those lands," paliwanag ni Villar.

"It's an investment decision for these people. If somebody will buy your land at a bigger amount, maybe, you can sell it and buy another land that is cheaper somewhere else and build your farm there. You have to understand agriculture as a business also," patuloy niya.

Gayunman, nais pa rin ni Tulfo na bigyan siya ng DA ng detalye kung papaano tinutugunan ang umano'y masamang sistema na nangyayari din sa ibang lalawigan.

"Sorry po, madam ha. Hindi lang po sa Cauayan sa Isabela kundi sa marami pong probinsya na marami na pong subdivision na nagsilipana," ani Tulfo.

Sabi ni Villar, ""Eh where will the people live if you don't build subdivisions?"

Giit ni Tulfo, maraming lugar na puwedeng pagtayuan ng subdivision pero hindi dapat sa mga lupang pangsaka.

"'Wag lang po i-takeover ang mga farms. Kung minsan 'yung mga farmers dahil sila ay naghihikahos, they are taken advantage of," ani Tulfo, na nagsabing magsasagawa ng talumpati tungkol sa National Land Use Act.—FRJ, GMA Integrated News