Naglabas na rin ng warrant of arrest ang Las Piñas City Regional Trial Court laban kina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at apat na iba pa kaugnay sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid noong Oktubre 2022.

Kasama sa ipinapaaresto ng Las Piñas RTC Branch 254 sina dating BuCor deputy officer Ricardo Zulueta, Israel Dimaculangan, Edmon Dimaculangan, at isang Orlando.

Pirmado ni Presiding Judge Harold Huliganga ang warrant para sa kasong murder na walang piyansa.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng kampo nina Bantag at Zulueta. Pero nauna na nilang itinanggi na may kinalaman sila sa nangyaring pananambang at pagpatay kay Lapid noong nakaraang Oktubre.

Nauna nang naglabas ng arrest warrant laban kina Bantag at Zulueta ang Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 kaugnay sa pagpatay naman sa bilanggong si Jun Villamor, na sinasabing middle man sa pagpatay kay Lapid.

Pinatay si Villamor sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa, ilang araw matapos paslangin si Lapid.

Nangyari ang pagpatay kay Villamor nang sumuko at iharap sa media ang kababayan niya na si Joel Escorial, na umaming bumaril kay Lapid.

Itinuro din ni Escorial na kasama niya sa pagpatay kay Lapid ang magkapatid na Dimaculangan at si Orlando, na pawang hindi na nakita.

Una nang pinayuhan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Bantag na sumuko na matapos na lumabas ang mga arrest warrant.

Hinahanap na ng mga awtoridad sina Bantag at Zulueta, at tatlong iba pa para isilbi ang arrest warrant.—FRJ, GMA Integrated News