Sinagot ni Coleen Garcia ang tanong tungkol sa usap-usapan na hiwalay na umano sila ng kaniyang mister na si Billy Crawford.
Sa panayam ni Luis Manzano kay Coleen para sa vlog ng TV host-actor, pinabulaanan ng aktres ang mga usap-usapan na hiwalay o maghihiwalay na sila ni Billy.
Ayon kay Coleen, hindi niya alam ang tungkol sa kumakalat na usapan online tungkol sa kanilang mag-asawa.
“Baka kasi tahimik kami,” ani Coleen.
“We are going through a major transitional phase in our lives. We’re moving houses and Billy has new businesses,” dagdag ni Coleen. “Siguro kasi hindi kami nagpaparamdam online.”
Sabi pa ng aktres, wala silang matinding pinag-awayan ni Billy mula nang ikasal sila.
“Hindi nagkaroon ng time na naghiwalay kami o pahiwalay na,” sabi ni Coleen. “Never.”
“Parang ever since we got married, walang naging mabigat na kasalanan sa'kin si Billy, just to be clear,” dagdag pa niya.
Nito lang nakaraang buwan, ipinagdiwang ng dalawa ang kanilang 6th wedding anniversary.
Mayroon isang anak sina Billy at Coleen na si Amari.
Kabilang sa naging proyekto ni Billy sa GMA ang “The Voice Generations” kung saan nakasama niya sina Chito Miranda, Julie Anne San Jose, at Stell ng SB19. — FRJ, GMA Integrated News

