Arestado ang isang x-ray technician sa Quezon City matapos umanong molestiyahin ang isang babaeng pasyente, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Nangyari raw ang krimen sa isang ospital sa Novaliches matapos bigyan ng suspek ang biktima ng libreng ECG procedure.

Kinilala ang suspek na si Michael Petras, 51 anyos. Inaresto siya matapos dumulog sa pulisya nitong Miyerkoles ang 22 anyos na biktima.

"Nag-conduct kaagad tayo ng follow-up operation, inabutan natin paalis na ito (suspek), alas singko ng hapon," Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo, hepe ng Novaliches Police Station.

Kuwento ng biktima, pumunta siya sa ospital nitong Martes para kunin ang resulta ng kaniyang x-ray. Doon daw siya inalok ng suspek na bumalik kinabukasan para sa libreng ECG o electrocardiogram.

Pagdating sa ospital, pinapunta raw ng suspek ang biktima sa x-ray room.

"Hindi po siya mapakali. Patingin-tingin po siya kasi baka daw po mahuli siya. Tapos sinarado na po niya 'yung pintuan, nag-red light siya kahit hindi x-ray 'yung gagawin sa akin," salaysay ng biktima.

"Pagkatapos niya pong gawin sa akin, pagkatapos ng serbisyo niya, tsaka niya ginawa 'yung kahalayan niya," dagdag pa nito.

Dahil sa trauma, hindi na raw nakahingi ng tulong ang biktima at nagsumbong na lang sa kaniyang mister pagkauwi.

Napag-alamang mahigit dalawang dekada nang nagtatrabaho bilang x-ray technician si Petras. Aminado siya sa krimen at humingi ng pasensiya sa biktima.

Ayon kay Castillo, hindi alam ng mga doktor sa ospital ang ginagawa ni Petras.

"Kasi ang ginagawa nito (suspek), sinasalubong sa labas (ang pasyente), inaakay hanggang sa loob," sabi ni Castillo.

Mahaharap si Petras sa reklamong Act of Lasciviousness. Nananawagan naman ang pulisya sa iba pang posibleng nabiktima ng suspek na makipag-ugnayan sa kanila para sa pagsasampa ng karagdagang reklamo. —KBK, GMA Integrated News