Nadakip na sa San Bartolome, Quezon City ang isang lalaki na isa sa mga inaakusahan sa pagpatay sa CEO ng isang pharmaceutical company noong 2022.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing hinuli ng mga operatiba ng Novaliches Police Station ang 35-anyos na suspek, na nahaharap sa kasong kidnapping with murder, with ransom sa bisa ng warrant of arrest.

Ayon sa Novaliches Police, ang warrant of arrest ay inisyu ng Regional Trial Court Branch 83 sa Tanauan City, Batangas.

Itinuturing nila ang suspek bilang una sa most wanted list persons.

“No comment na lang po. Sa court ko na lang po sasagutin ‘yung mga tanong na ‘yan,” saad ng suspek, na alam na may warrant of arrest laban sa kaniya.

Nakapag-return ng warrant na ang kapulisan sa korte at naghihintay na lang sila ng commitment order para mailipat ang suspek sa Batangas.

Ayon sa imbestigasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group, Hulyo 19, 2022 nang may kikitain sana ang biktimang si Eduardo Tolosa sa Tagaytay.

Sa parehong araw, inutusan umano ni Tolosa ang isang opisyal ng kumpanya na maghanda ng katumbas sa mahigit sa P5 milyon at dalawang mamahaling relo.

Ngunit sunog na nang matagpuan sa Pampanga ang sasakyan ng biktima, habang nakita naman ang kaniyang sunog na bangkay sa Santo Tomas, Batangas. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News