Nadakip sa Paco, Maynila ang isang lalaking most wanted sa Eastern Visayas na may patong-patong na kaso ng statutory rape. Ang suspek, dumepensang hindi siya nagtago, kundi nagtrabaho lang.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing hindi na pumalag pa ang suspek nang hulihin ng mga tauhan ng MPD Special Mayor's Reaction Team.

Biktima ng lalaki ang anak ng kaniyang live-in partner.

“She’s a minor noong last year, around August to November. Five counts ‘yung statutory rape na ikinaso sa kaniya ng live-in partner niya during that time sa Leyte,” sabi ni Police Major Emmark Dave Apostol ng MPD S.M.A.R.T.

Hindi agad nakapagsumbong ang menor de edad matapos magbanta umano ang suspek na papatayin silang mag-ina.

Hanggang sa isang araw noong Nobyembre, mismong ang nanay ng biktima ang nakakita sa ginagawa ng suspek kaya agad siyang nagsampa ng reklamo.

“Nagtago na siya rito sa Maynila kasi na-complain na siya, nag-construction worker na lang po siya rito sa Manila,” sabi ni Apostol.

Nahanap ang lalaking akusado dahil sa pakikipag-ugnayan ng Police Regional Office 8 at MPD.

Umamin ang suspek sa kaniyang ginawa pero iginiit niyang hindi siya nagtago.

“Hindi ako nagtago, nagtrabaho lang ako. Nagsisisi ho. Humihingi ako ng tawad sa kanya. Lasing lang po ako,” sabi ng suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News